Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

daldal

Blog EntryMar 28, '11 11:15 PM
for everyone

 Maraming maitatala sa kasaysayan ng aking kahangalan.


Ang ilan ay ilalaan sa paglaban sa kamalayan,

tulad ng  gamu-gamong pumailanlang, naabisuhan man,

na patuloy na lilipad palapit sa kandilang lumiliyab.


May ilang aasinta sa pagpatda ng bagabag,

iyong munting bulong, babala man sa kutob, na tinalikuran.


Ang iba'y hiwalay na tatalakay sa ligaya at yabang,

sa mga oras na kabilang ako sa kanilang mga tagasunod,

walang kaalam-alam, kung lumakad ay hambog.


Ngunit lahat sila'y may natatanging paksa, pagnanasa,

pansarili man lang - pero hindi, hindi na rin;  ay,

Ako'y umiral pagkat ninais maging kapares ng iba.

Nasindak ako sa kung anong bangis at libog ang nasa loob.


Ang kasaysayan ng aking kahangalan ay hindi na maisusulat.

Una sa lahat, gabi na.  At ang katotohanan ay gawaing masalimuot.




*salin ng "Account" ni Czeslaw Milosz

 


Blog EntryMar 22, '11 12:54 PM
for everyone

Ikaw, itong patalim na umararo

paloob sa puso kong manhid sa sakit;

ikaw na singlakas ng laksang demonyo

ang dumating, lango, marangya ang bihis.

 

Dito sa sulok ng isip kong maulap,

ika’y humimlay, namahinga, nanahan—

Walanghiyang kiri, wala akong takas,

ako’y presong sa tali’y di makalagan,

 

sugarol sa barahang di mabitawan,

lasenggong sa alak ay palaging sabik,

mga uod sa nabubulok na bangkay--

hiling ko'y sumpain ka nang ilang ulit!

 

Dinalangin kong maangkin itong talim

at nang mabawi ang aking kalayaan.

Dasal ko lagi’y lason ng pagtataksil

at nang mapatid, sumpa ng karuwagan.

 

Ay, panghahamak lamang ang tanging sagot

ng lason at punyal na aking dalangin:

“walang tulong na sa iyo’y iaalok,

walang layang tugon sa iyong dalangin,

 

hangal.  Pagkat sakaling maadya ka man

namin at kitlin ang impiyernong bigkis,

babangong muli ang bangkay ng halimaw

sa iyong di mapigil na mga halik.”

 

*salin ng "The Vampire" ni Baudelaire

 


Blog EntryMar 17, '11 10:42 PM
for everyone

Ikaw na di humapon

sa aking mga bisig, mahal, ikaw na paalam

ang siyang unang bati.

Di ko man lang nabatid ang mga awit

na sa iyo’y magpapakilig. Sinukuan

ko na ang pagbanaag ng iyong bakas

sa bawat daupang-palad. Sa lawak

ng imahen, ako’y batbat—isang malayong

lupaing matalas sa kutob, mga lungsod, tore, mga tulay,

mga surpresang pasikut-sikot,

at itong enkantadong mga mundong minsan

ay namintog sa dugo ng mga diyos—

lahat ay nag-uumapaw bilang alaala

ng ikaw, ikaw na mailap habambuhay.

 

Ikaw, sintang-hiling, na salamisim

ng bawat harding pumukaw sa ‘king tingin,

nangungulila.  Isang bukas na bintana

ng isang kubling kubo—muntik ka nang

humakbang palabas, nag-alinlangan, di tuloy ako

naabutan.  Bawat kalyeng aking natsambahan—

doon ay kadadaan mo lamang at di na inabot ng tanaw.

At minsan, sa isang tindahan, may mga salaming

bangag pa sa iyong larawan, at sa pagsulyap

ko sila’y magugulat, humahangos na imahen

ko ang tanging katapat.   Ewan. 

Malay natin, baka naman kapwa tayo hinarana ng iisang ibon,

di nga lang sa parehong lugar, nitong dumaang dapit-hapon…

 

*translation ng translation ni stephen mitchell ng YOU WHO NEVER ARRIVED ni rilke. 

 


Blog EntryJan 30, '11 11:50 AM
for everyone

1.

 

Pinabasa niya noon sa akin ang naisulat niyang kuwento, tungkol sa batang may asul na dugo.  Hindi ko na matandaan ang ibang detalye ng kuwento.  Madalas, kapag hindi mo raw matandaan ang kuwentong ikinuwento sa iyo, may malaking posibilidad na hindi ka nagandahan sa kuwentong iyon.

 

Minsan, nagpabasa siya ng tula.  Tungkol sa dalawang guro, isang nasa Katipunan, isang nasa Diliman.  Anuman daw ang kalyeng pinagtuturuan, may isang daan na mapagtatagpuan.  Iyon ang iniisip kong laman ng tula niya.  Hindi ako sigurado, maliban sa ang tulang iyon ay hindi para sa akin.  Gaya noon, ipinabasa lang niya ito.

 

Iniisip ko, magkaibigan kami.  O naging magkaibigan.  Ngayon, nagkakasalubong kami sa opisina.  Minsan nagngingitian, minsan hindi.  Dati, minamasama ko pa.  Ngayon, parang wala na lang.  May isang araw, narinig ko, may nangyari sa kanilang bahay.  May kailangan siyang asikasuhin.  May kailangan siyang alagaan.  Nagko-computer ako sa opisina, sadya o di-sadyang napapakinggan ang kanilang usapan, kamusta na siya, ano ang lagay niya, ano ang maaari nilang maitulong sa kanya.

 

Hanggang ngayon ay nalulungkot at naaalarma ako sa kawalan ko ng pakialam.

 

 

2.

 

Niyakap ko siya nang iniisip na may mapanghahawakan ako.  Niyakap ko siya mula sa kanyang likuran.

Hindi naman siya katabaan, naisip ko, sa totoo’y ako pa nga ang mas malaman.  Pero noong niyapos ko siya, doon, doon sa may sikmura, ‘sang milyong jelly ace ang aking naramdaman.  Milyung-milyong kakalog-kalog na gulaman.  Bakit kaya ganoon, hindi naman malaki ang kanyang tiyan?  Bakit ganoon, bakit parang wala akong mahawakan?  Parang gulaman, kakalog-kalog, sa tamis at lambot ay nakakabusog, parang lobo sa birthday party, lobong hindi hangin ang laman kundi tubig, galon-galong tubig.  Bawal yapusin nang sobra-sobra ang lobong may lamang tubig na parang jelly ace na parang wala lang, baka kasi pumutok, baka maging masyadong lantad na wala ka naman palang kinakapitan.

 

Ganito siguro ang pakiramdam na sariling salita lang ang kinakapitan.

 

 

3.

 

Pinag-uusapan namin ang aming buwanang suweldo.  Suweldong hinahati sa tiglabinlimang araw.  O ganito sa kaso ko.  Sa kaso niya, naku hindi ko na matandaan.  Baka hindi ganoon kainteresante ang kanyang kuwento, o baka wala ako masyadong pakialam.  Basta alam ko, nagkasabay kami sa isang window, sa isang opisina, sa isang pamantasan.

Pinag-uusapan namin ang pera, o kung bakit wala kaming ganito.  Kung paano hindi umaabot ang nakuha noong akinse sa atrenta, at ang atrenta sa akinse.  Ikinukuwento niya ang mga gastos na nag-aabang, sana, sana raw dumating na ang suweldong inaabangan.  Masaya siya, marami akong hindi natatandaan pero natatandaan ko ang kanyang ninenerbyos na ngiti, ang kinakabahang mata.  Isang panalangin.  Sana, sana andiyan na.

 

Siyempre, gaya ng ayaw aminin pero inaasahan, wala pa.

 

Marami akong hindi natatandaan, baka kasalanan ko rin ito.  Pero may mga bakas na narito pa rin.  Ang pagbagsak ng ngiti halimbawa, ang hindi matagumpay na pagkukubli ng  panghihinayang, ang matamlay niyang pag-aabang sa aking pumipirma sa accounting para makuha ang tseke kong mula sa mainit-init pang payroll.

 

 

4.

Siya ang tipo ng taong hindi nakakaunawa sa konsepto ng sariling espasyo.

 

O baka ganoon lang ang panghuhusga ko, mahilig talaga akong manghusga.  Masama ang manghusga pero heto’t nagpapataw ako ng iba’t ibang mga tatak at birtuwal na parusa.  Gaya ng sa taong gaya niya.  Siyang walang kimi sa pag-upo sa aking tabi.  Siya na kung magpaliwanag ay hindi puwedeng walang tapik sa likod o kaskas ng tuhod o kiskis ng siko.  Hindi naman siya patpatin.  Pero iniisip kong mahihiwa ako sa pagdampi sa katawan niya.  Matigas siya sa pakiramdam, isang taong binubuo ng pagkarami-raming kanto’t sulok. 

 

Ayokong pumasok sa at pasukin ng kanyang mga pasikut-sikot.

 

 

5.

Nagmamadali akong magpabalik-balik sa kung saan-saang kanto’t sulok.  Todo kambyo pa-Lagro-Fairview-SM North-Maginhawa-UP-Amparo.  Kung anu-ano ang nilalakwatsa.  Deposito sa bangko, bayad para sa bag ng kaibigang nag-online purchase.  Pampahid sa kilikili.  Car Shampoo.  Loofah.  Silica Gel.  Sa pagitan ng pasikut-sikot, sumasagot ako ng mga text.  Kitakits mamaya.  Wag kang tamarin, kaya mo iyan.  Ano nga ba ang tawag doon sa pinanghihigop ng amoy sa kotse.  Magpahinga ka kasi.  Sa pagitan nito, dumaan ako sa Wendys.  Mali, nadaanan ko ang Wendys.  Iniisip kong kumain ng Frosty, pampalamig.  Frosty, saka iced tea.  Large, large silang lahat.  Nag-text ako sa kaibigan, sabi ko’y nakalimutan kong pag sinabing “large” sa Wendy’s ay large nga naman pala talaga ang ibinibigay.

 

Naupo ako sa isang sulok ng kainan.  Sa kaliwa, lalake’t babaeng magkasintahan.  Tumitingin sila sa akin, naiisip ko.  Bakit wala siyang kasama.  Bakit iyon lang ang order niya.  Baka iniisip ko lang iyon.  Sa harap, dalawang lalaki, magkaharap.  Ang lalaking nakatalikod sa akin, parang matanda, parang mataba.  Maling manghusga na basta mataba’y matanda.  Ang nasa harap niya, na nakaharap sa kanya, na nakaharap sa akin, siya ang mas bata, maliit ang bewang, parang hindi jelly ace ang laman, mukhang hindi naman siya masyadong malaman.  May pinag-uusapan sila, kunwari’y kumakain ako ng frosty, kunwari’y humihigop ako ng iced tea.  Nakikinig ako ng usapan, kung sinasadya ko hindi’y hindi ko na natatandaan, o ayaw ko lang pag-usapan.

 

Narinig ko, si mas bata, nagtatanong.  Parang assignment.  Ano raw ba ang tagalong ng “plateau.” May sinabi si isa, si mataba, hindi ko narinig.  Sumagot si bata, sabi niya “a hinde, kapatagan yun, kapatagan.”

 

Bawal makinig.  Bawal makialam, pero habang nakatungo ako, habang dinudutdot ang frosty na walang katapusan, sinasabi ko sa sarili “putangina, TALAMPAS, TALAMPAAAAAAAAAAAAAAAAS!”


Blog EntryJan 21, '11 12:05 PM
for everyone

I.


 

Nakitambay ako sa Teatro Hermogenes Ylagan nitong nakaraang Martes.  Kakatapos lang ng run-through ng isang dula, at sa routine company call ay pinasadahan ng direktor na si Dexter ang mga tala mula sa katatapos na run-through.  Laman ng listahan ang mga puna sa mga  bahagi ng dulang naging kapuri-puri o kaya’y kailangan ng dagdag na pagpapakinis.


May tatlong war scene ang dula.  Mahusay ang una, nakabibilib daw ang enerhiya.  Medyo nalusaw daw sa war two at war three.  Sabi ni Direk Dex, ang ilan sa mga artista’y parang ginagawa lang ang mga nakatakdang galaw at linya na parang ganoon lang—mga itinakdang galaw at linya.  Walang “swoosh,” parang going through the motions.   Nakapalibot ang mga nakaupong artista, ang iba’y nagpupunas ng pawis, o nagpapalit ng damit, o sumisilip sa cellphone, habang ipinapaalala sa kanila ang esensya ng eksena.  Gera ang kinapapalooban nila, isang mahabaang proseso ng digmaan.  Nagpapalit-palit ang mga ilaw at tunog sa entablado upang ipakita ang paglipas ng maraming taon ng dahas, ng pagkitil ng buhay.  Ano kaya ang pakiramdam na pumaloob sa panahon ng walang katapusang digma?  Anong enerhiya ang magpapanitili ng lakas, ng paniniwalang may papatda sa lahat ng dugong ibinubuhos, sa mga buhay na hinihiklat mula sa ating pisikal ba mundo?  Pina-internalize ng direktor ang ganitong proseso sa mga kasama niya sa dula, habang ihinahalo naman ang talinghaga ng buong produksyon.  Isang commercial event, parang mass produced na tsokolate raw.  Nakatungo ako’t pinipigilang mahiraya ang paglabas ng mga Oompah Loompah at ang pag-agos ng dagat-dagatang tsokolate ni Willy Wonka.  Tsokolateng matamis, nasa assembly line, masarap, magarbo, hindi mahalaga kung ano ang punto.  Ipinapabalik/ ipinapaalala ni Direk Dex ang orihinal na espiritu ng dula, na ito raw ay katulad ng paggawa ng pastillas.  Ang minatamis na ginawa sa sariling bahay, ginamitan ng pinagpiliang sangkap, hinalo’t pinagpawisan-pinagngawitan hanggang sa maabot ang angkop na lapot at lagkit, babalutin sa pabalat na may disenyong hindi masasabing hindi pinaghirapan o pinag-isipan. 


Ang dula’y pinamagatang Orosman at Zafira.  Sa dula, titimbangin at ipaglalaban ng mga bidang sina Orosman at Zafira ang kanilang pag-ibig sa pagitan ng nagbabanggaang interes, ng gerang humahati’t bumibigkis sa tatlong tribo: Sa Hilaga, ang Marruecos; sa Gitna, ang Duquela; sa Katimugan, Tedenst.


II.


Ilang oras bago ang run-through, sa ikaapat na palapag ng College of Arts and Letters New Building, Timog Kanluran ng pinag-eensayuhang teatro, may mga kuwento rin ng digmaang  binubuno ng iba’t ibang mga tauhan.


Nakararamdam ako ng taas-babang pagkabalisa noong mga oras na iyon.  Una’y ang pagkabalisa mula sa natutunan kong pagkuha ng Master Number.  Ito ang numerong nagtatakda raw ng lifepath ng isang tao, at base ito sa mga numerong nakapalibot sa ating buhay, tulad ng numero sa araw ng kapanganakan.  Sa radio show namin sumulpot ang Master Number na ito, pagkatapos ng episode tungkol sa horoscope at iba pang anyo ng panghuhula.  Kinuwenta namin ang Mater Number para sa birth date kong 1-10-1982, at lumabas ang numerong “4.”  Noong sinabi ko kay Tita A—ang aming panauhing nakakabasa ng mga numero—ang aking Master Number, parang nalungkot siya at natigilan.  Masyado raw conservative ang Master Number na iyon, maraming kahon na kailangang alpasan para maging maligaya.  Conservative?  Hindi pa pala sapat na “BJ” ang nickname ko para makaalpas sa ganoong kahon.  Sana’y 5 na lang ang nakuha ko, ang life path number para raw sa mga malandi.  Minsan nakaka-depress din ang maakusahan na kulang ka sa landi, lalo’t tinatrabaho namang ma-achieve ito once in a while.


Pangalawang sanhi ng pagkabalisa ay ang inaabangang organisasyong hindi dumarating.  May kausap kasi akong youth org, magpapa-film showing sila dapat sa dalawang klase ko sa Malikhaing Pagsulat.  Hindi pala nagkalinawan kaming dalawang panig sa oras kaya imbes na 1:00 ng hapon ay 2:30 na sila dumating.  Dahil sa hindi ko na kayang ibalik ang nawalang panahon, tinanggap na lang naming pare-pareho ang di pagkakaintindihan at pinapanood sa naabutang klase ang dokumentaryong ihinanda nila para sa film showing.



Mendiola Massacre ang paksa ng dokumentaryo.  Ibinahagi ng org representative na si Sheryl ang background ng dokumentaryo.  1987 naganap ang massacre na ito, isang taon pagkatapos ng  People Power, isang taon mula sa pagluklok kay Cory Aquino bilang pangulo ng Pilipinas.  Sa loob ng maiksing dalawampung minuto, ipinakita sa dokumentaryo ang pagmartsa ng mga magsasaka papunta sa Mendiola, ang pagtatangka nilang ipaalala ang ipinangakong reporma ni Aquino sa lupa ng mga magsasaka.  Nakita’t narinig ng mga estudyanteng nanonood ang pagpapaulan ng bala, ang pagtilapon ng kamerang hinuhuli ang nagtatakbuhan-nagtutumbahang mga raliyista, ang pag-segue ng dokumentaryo sa eksena ng mga lamay.  Sa mga imahen ng kabaong, may boses na nagsasalita, ang mga magsasakang ito raw ay bayani.  Bayani, bagaman namatay.  Namatay, pero namatay para sa ipinaglalaban.  Hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolbahan ang kaso.  Ilang minuto na lang ang naghihintay habang sinusulat ko ito, ilang minuto na lang at sasapit na ang ikadalawampu’t apat na anibersaryo ng pagpaslang.


Pagkatapos ng dokumentaryo, nagsalita ang bisitang si Tatay Pido.  Si Tatay Pido ay isa sa mga magsasakang sumama sa demonstrasyon sa Mendiola noong 1987.  Bahagi siya ngayon ng grupong PAMALAKAYA, isang grupo ng mga progresibong mangingisda.  Biro niya, birong may halo ng pagkatotoo, kaya nga rin siya naging mangingisda’y sa pagkatagal-tagal ng panahon ay hindi pa rin nila nakukuha ang angkop na karapatang magbungkal at mag-ani ng makabuluhang benepisyo mula sa sariling lupa.  Naikuwento niyang nakaligtas siya mula sa pamamaril, nakaalpas siya sa panganib ng mga bala sa ulo, batok, sa mga binti, sa dibdib at sa sikmura.  2004 pa nangyari ito, at halos pitong na taon ang nakalipas, nakatungkod na’t mabagal lumakad, ang hinihiling lang sa amin ni Tatay Pido ay hayaan siyang maupo sa harap ng aming klase’t pakinggan siya sa loob ng ilang minuto.



Si Tita Amy naman, isa pang bisita noong araw na iyon, ay asawa ni Dario Tomada.  Isa si Dario sa mga unang ipinadakip sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino.  Ikinuwento ni Tita Amy kung paano tinangkang barilin si Dario sa kanilang bahay sa Visayas noong 2006.   Tinapos ni tita Amy ang kuwento ng barilan sa pahayag na “Suwerte’t hindi nga siya tinamaan, ang tinamaan naman ay yung kapatid ko.”  Nagpunta sila sa Maynila upang makatakas sa banta sa kanilang buhay, pero naaresto din si Dario noong nakaraang Hulyo.  Ibinibintang sa kanya ang kaso ng mass graves na ayon sa kuwento ni Tita Amy ay lampas isang dekada na nangyari.  Pero dahil may sumulpot na witness, dahil may sumulpot na police order, nahuli ang kanyang asawa. 


Sabi ni Tita Amy, sa gitna ng paminsan-minsang paghingi niya ng dispensa dahil sa hindi siya sanay magsalita sa Tagalog, ginagawa raw niya ito dahil naniniwala siyang walang kasalanan ang kanyang asawa, ipinaglalaban lamang niya ang karapatan ng mga kasama nilang magsasaka, na ito’y paraan para makita naming mga tagasiyudad na nagaganap ang ganitong abuso sa kanayunan, mahirap daw kasing maintindihan kapag hindi tagadoon.  Si Tatay Pido naman, nagtapos sa dalawang tanong: 1. “naiintindihan ba ninyo ang sinasabi ko?” at 2. “ngayon, ano ang pwede ninyong gawin tungkol dito?”


III.


Naging napapanahong tulong ang pagsulpot ng librong A Lover’s Discourse ni Roland Barthes sa buhay ko.  Nagsimula ito sa mga text na galing sa kaibigan kong si Caloy, matagal na ito, noong nasa Pilipinas pa siya.  Nitong nakaraang taon ay naisip kong bumili ng sariling kopya, baka kako maintindihan ko ang mga sitwasyong kinapapalooban ko, baka kako maunawaan ko kung bakit di dumarating ang “the one,” baka maunawaan ko kung bakit parang pakiramdam ko’y laging sablay ang mga banat at hirit ko pagdating sa usapin ng puso.  Isa ito sa mga libro na pag binabasa ko’y napapasabi ako ng “ay, parang ako talaga ang kinakausap nito a.”


Kay Barthes, ang pag-ibig ay nakapaloob sa mundo ng wika.  Walang iisang wikang makatutukoy dito, pero mababakas ito sa iba’t ibang “utterances” ng wika.  Walang iisang depinisyon ang pag-ibig, pero may mga kilos, eksena, pakiramdam, karanasan, iba’t ibang mga sistemang napoproseso ng ating utak na magsasabi sa ating “aba, oo nga, naranasan ko na rin ‘yan, parang pag-ibig nga yan.”  Laging kulang ang mga salita, laging lumulutang ang nakakaranas sa mga aproksimasyon, walang umpisa at wakas dahil wala naman daw kasing iisang kabuuan.  Walang higanteng love story, pero maraming love episodes.


Tulad ng mga eksena ng paghihintay.  Laging may nag-aabang, laging may inaabangan.  Isang kalaguyo mula sa kalabang tribo.  Isang asawang nakakulong na naghihintay ng pardon.  Lumang kasong naghihintay na mabuksan at malitis.  Isang dulang pinakikinis tulad ng pianakamahal na diyamante.  Panibagong Master Number.  Reporma sa Lupa.  Kalayaan. Kapayapaan.  Laging hindi pantay ang diskurso ng pag-ibig.  May mga gustong magpaliwanag, at habang may magtatakang umintindi ay may ibang walang pagnanasang makinig.  Paano’y iba ang kanilang bersyon ng pag-ibig, iba ang kanilang inaabangan.  Samantala, ang nagpapahayag ay nadaragdagan ng mga agam-agam.  Paano ipapaintindi sa iba ang grabedad ng sitwasyon?  May mali ba sa paraan ng pagpapahayag?  May mali ba sa pinaniniwalaan, sa katotohanang ipinaglalaban?  Laging may bigat sa kalooban ang taong naghahayag na siya’y nagmamahal.



At sa lahat ng agam, nagpapatuloy ang kanya-kanyang kabanata.  Noong isang araw, pinagtatalunan namin sa klase sa Panitikan at Sexualidad kung gaano kalayo ang libog sa pagmamahal (at pag sinabing “mahal kita,” ano kaya ang eksaktong ibig sabihin ng nagsasabi nito, na iba sa “nalilibugan ako sa iyo?”).  Isang araw bago ang klaseng iyon, nanggaling ako sa exhibit ng kaibigang si Ryan, kung saan hinulma niya ang mga higanteng papel sa disenyo ng iba’t ibang padron ng paggupit (gaano kalaki kaya ang pastillas na puwedeng magkasya doon?).  Kanina, tumakbo ako sa academic oval, unang disenteng jogging mode sa loob ng ilang araw.   Paano’y palaging busy, paano’y laging makulimlim ang langit, paano’y ilang araw na kasing pinapagawa ang ginasgasang sasakyan.  Kay raming excuses.  Pero anu’t anuman, tumakbo ako.  Nakatakbo ako, at ayun, ayun na nga, naabutan ng pagkalakas-lakas na ulan.    Nagsisisi man o kampante sa mga araw na nagdaan, di man sigurado kung ang mga paghahayag ko’y tumatakbo papunta sa kung saan o tumatakas mula sa dapat patunguhan (kasi, ano ba naman ang nagawa ng pag-jogging sa ulan sa reporma sa lupa, di ba?  Sa kapayapaan?  Sa paghahanap ng “the one?”), ayaw pang umalpas sa isip ko ng winiwika nitong gasgas na kasabihan: Pag gusto (pag ibig?) may paraan; pag ayaw, palaging may dahilan. 



Blog EntryNov 21, '10 11:15 AM
for everyone

Hindi naman daw pambihira ang kanyang sarap.  Hindi rin pambihira ang presyo.  Tamang-tama lang.  Sakto sa pera ng barkadang  tamis ang hinahagilap.  Ng binatilyong nag-ipon para  makaakyat ng ligaw—aba, ilang tanghalian din ang pinalipas niya para umabot sa destinasyon—para makapag-abot ng tsokolateng puso sa kanyang sinisinta.  Para hindi na rin langgamin ng kantiyaw.  Para hindi na katihin sa agam-agam—talaga bang may gusto siya, ano ba ang hinihintay niya, hindi ba’t matamis na “oo” na lang ang kulang?  Para makagradweyt na sa buhay high school na mga kuwento’t usapan.  Para matapos na.

Kaya nga namin piniling bumiyahe.  Sa kotseng hulugan nagkasunduan, lumalakwatsa kahit malayo pa sa pagkabuo ang bayad (naaalala ko tuloy ang nobelang binasa noong nasa kolehiyo pa—tungkol sa babaeng tagasiyudad na sumama sa paglalayag, unti-unting naaagnas habang lumalayo sa nakilalang bakas ng kaunlaran).  Umasta kaming dayuhan, “buhay day-off” ayon nga sa aming biruan.  Namasyal sa botanical garden, nagkuhaan ng litrato, kumain sa kainang mas mahal sa karaniwan—paminsan-minsan lang naman.  Pinag-usapan namin ang kakapasok lang na pasukan.  Kung may mga lesson nang naihanda.  Kung may estudyante bang may hitsura.  Pinag-usapan namin ang mga taong wala.  Kamusta si ganito.  Kamusta si ganyan.  Bakit wala si ganoon.  Bakit hindi sumama si ganyan.  Ganoon naman ang aming biro, noon-noon pa, bago pa kami maging kami, bago pa kami mag-astang guro.  Kung sino ang wala, siya ang pag-uusapan.   At sa kanilang nagbahagi ng pasensya’t presensya, sa mga kuwentuhang minsan ay wala sa lesson plan, wala akong maibibigay kundi katapatan.  Tulad ng tinanong ako kung paano ko ba sinusukat ang pagmamahal, na sasagutin ko ng “a, e, ano, e di kung sino ang laging nariyan.”

Nariyan sila’t hinahayaan ako sa ilang mga kalayaan.  Tulad ng paghinto saglit sa tindahang  laman ng mga nakaraan nang kuwento’t usapan.  Bumili ako ng isa—isang cake na bilog, medium, nasa pagitan ng pinakamahal at pinakamura.  Hinayaan nila akong iuwi ito sa bahay sa siyudad.  “Masyadong matamis para sa akin,” paalala ng isa.  Mas mabilis ang byahe pauwi, lahat ay nagmamadali para sa Lunes na unti-unti nang sinisilipan ng araw.

Humiwa ako ng isang piraso ng cake pagdating sa bahay.  Matamis.  Humiwa ng isang piraso ang kapatid, kakaligo lang niya’t naghahanda namang magbihis para sa unang job interview.  Nagmadali ako sa pag-ubos ng biniling premyo.  Nagmadali sa pagbihis ng pambahay.  Nagmadali sa pagbawi ng idlip.  Sana’y makuha sa trabaho ang kapatid, naisip ko.  Sana’y hindi antukin ang kaibigang ibinaba ko sa may Diliman para magturo sa seminar, naisip ko.  Sana’y magising at umabot sa faculty meeting ang kaibigang tinuluyan sa Los Banos, naisip ko.  Nagising ako sa balita ng transport strike.  Sa text ng kapatid na pauwi na dahil walang masakyan.  Sa text ng kaibigang nilalabanan ang antok para makapagturo nang maayos.  Sa text ng kaibigang hindi dumarating (hindi pa nagigising, malamang ay hindi na rin umabot sa faculty meeting).  Nagising ako’t naisip ang Mer Nel’s, bakas ng ilang araw ng pandarayuhan, ng buhay day-off.  Kumain uli ako ng isang malaking piraso.  Matamis.   Nagising ako’t nadiskubreng may kayod ng susi ang sasakyang iniwan sa may kalsada, napagtripan siguro ng kung sinong napadaan.  Nilinisan ko ang tsekot, paano’y may trabaho pang kailangang pasukan.  Matapat na sasakyan, naisip ko.  Bumiyahe para sa tamis, umuwing may bakas ng sugat.  Mabuhay siyang hindi nahiyang magpakita ng mga pilat.  Sa loob-loob ko, ako’y nagpasalamat sa lahat ng bagay na  wala’t nariyan.


Blog EntrySep 30, '10 12:41 PM
for everyone



Patawad,

kung hindi alam.

Ako’y paslit pa lang,

Ikaw, diyos lang naman

ang hubog na lumalamang

sa binibini o lakan.

Ngayon, batid ko na ang inagaw ko sa  ‘yo.

Na kapag nawasak ang lahat,

sarili ma’y sumambulat,

sa siyudad na may panglaw,

babangon kang buo.

 

Langit ay

wag mong sisihin.

Ngitngit ay di batid

ng ulap at hangin.

Walang landas ng hiwaga,

o pusong itinadhana.

Walang mailap na

hindi mahahanap.

Dahil sa pag-inog ng mundo,

tingin pa rin sa iyo’y dayo.

Isang dayong ligaw.

Siyudad na may panglaw.

 

At kung lakas mo ay kapos,

sundan ang tinig kong paos,

dayong naliligaw sa

siyudad na may panglaw.


Blog EntrySep 19, '10 11:27 PM
for everyone

Patuloy kong iniintindi ang ugnayan ng espasyo at pandama. Sa mga nakakakilala sa akin, kabisado na nila ang mga kwento ko ng pakikipagrelasyon mula sa malayo. Mga lihim na paghanga, mga pakikipagsiping ng tanaw sa iba’t ibang batok, ng mga sikretong kaparehang sa sobrang sikreto’y pati sila ay walang kamalay-malay.

Sa ilang masuwerteng pagkakataon, kumikipot ang distansya. Nagkakaroon ng pagkakataong maging mas empirikal ang danas. Pinakamatingkad siguro ang amoy, ito kasi ang unang sumasagi sa isip habang tinitipa ko itong piyesa. Amoy ng partikular na balat, pawis na hinaluan ng pabango, balat na pinahiran ng sunblock o pulbos. May kakaibang tuwa rin ako sa pagdanas ng hininga. Amoy mainit na nilagang mais, bakas ng chowking laureat, pagsasanib ng luya-mantika-manok sa tinolang sinasabayan ng mga kuwento ng napatdang pag-ibig. Palagi kong matatandaan ang mga mahalagang tao’t eksena para sa mga amoy na ito.

Syempre pag amoy, may lasa. Unang halik na lasang bactidol. Mga sumunod na halik na minsan ay parang bagong sepilyo, minsan parang tinamad at nag-chewing gum na lang, lasa ng anghit na humalo sa tawas noong naisipang mandila ng kilikili, ang iba’t ibang asim, lansa at pait ng pagbaybay ng dila sa hubog ng katawan. May isang parte ng katawang kalasa ng hininga pagkalipas ng ilang minuto ng pagkain sa bawang na kakapitpit pa lang. Pag naranasan na ninyo ito, ibig sabihin ay pareho tayo ng naranasan. Pagkasarap-sarap na danas, sabi ng ilan.

Sa ganitong paglalapit, mas nahuhuli ang paglitaw ng mga surpresa ng mata. Ang dating malayo, minsan ay napapalapit. Minsan ay pinaghandaan at minsan ay hindi. Di ko namamalayang nagbibilang na lang ako ng nunal o blackheads ng kausap, napapansin ang eyebags na dala ng puyat/ pagod sa demanding na kasintahan, ang labing namumuti sa pagkatuyo—paano’y puro sarili at ym ang kinakausap. Marami akong kilala, lalo ang mga malapit sa akin, na matatandaan ko sa kani-kanilang di-sadyang pagpapaalpas ng buhok sa ilong. Naroon sila, mga dalawa o tatlong hibla, sumisilip, nangangamusta, nakikisali sa mga daldalan tungkol sa scholarship sa japan, sa sirang computer, sa paranoia ng pagdevolve ng sarili, sa mga salaysay ng takot at iba pang insecurities. At mas huli pa dun ang pakiramdam ng dampi sa balat, ulo sa balikat, hawak-kamay, yakap, halik, kagat sa tenga. Ewan ko ba, nami-miss ko naman din ang ganitong pagdidikit, pero sa ganitong pandama ako nauubusan ng sabihin.

Sa ganitong pag-alala ng mga pandama, pinakamahirap siguro ang pag-alala na minsan ay kumitid ang mga pagitan, na minsan ay nagkaroon ng pagkakataon para maging mas malapit, mas empirikal. Na minsan, mula sa paglalapit ay may paglalayo, at nangangailangan ng matagal-tagal na pagkokondisyon para masanay muli sa pagsilip mula sa mga layo, sa pagbuntung-hininga sa isang maliit na silid, tumitipa ng mga salitang posibleng walang nagbabasa o nakikinig.


Blog EntryAug 25, '10 1:12 PM
for everyone
Gusto kong isiping hindi magkaiba
ang patak ng metro ng taxi sa New York
(yep, yung concrete jungle-and-garlic-tomatoes)
at yung nakapila sa Mcdo Philcoa;
sarap din sigurong mag-F.K. sa subway--
early morning loving sa may escalator--
pababa, pauwi, sa may train station,
e dito’y underpass ang meron, sa Circle.
Pero oks lang naman kung di nakatakdang
magtugma’t magsabay ang ating Where’s Fluffy
moment.  Kung may una, siyempre may huli.
Iba-ibang laro, iba-ibang taya
(ang laro ko minsan, minsan na lang naman,
mag-abang sa cellphone, ringtone ko’y Boys Don’t Cry).

***

may nasulat akong nauna rito, lampas isang taon na.

Blog EntryAug 19, '10 9:49 PM
for everyone

nag-che-check ako ngayon ng mga akda para sa malikhaing pagsulat 10, isang intro class sa pagsusulat.  kakatuwa na sa ganito kaagang yugto ay andami-dami nang makikitaan ng potensyal.  sarap nga silang sabihan na nung mga edad nila e puro porn at anime lang ang inaatupag ko e.  well, ganoon pa rin naman yata ngayon, nadagdagan lang ng true blood saka supernatural, ang sarap kasi sabihin ng "sookie" na para kang si vampire bill.

 

eniwey, sharing lang, gawa ng estudyante kong si lorraine.

 

Biro-biro Lang Po sa Umaga

Jeanne Lorraine Amponin

 

Kung sasakay ako sa 'yong mga biro't

makikiayon sa bawat mong pagliko,

sasakya'y aapaw sa saya ng puso

habang utak natin, gasolina'y toyo.

 

Sa mga umagang ako'y male-late na,

payo mo ay matulog habang traffic pa.

Sa tuwing gigising ako nang maaga,

ito ay biyaya, extension ng kama.

 

Sa pagliko sa daan at natyempuhan

isang basketbolistang nagshoot sa kanal,

"Kung sa court," sabi mo, "three points n'ya ay sablay,

at least diyan, iskor pa niya'y isang daan.

 

Sa byahe ng buhay kung daa'y malubak,

may bagay ka pa ring ikahahalakhak.

Luha man o pawis ay hindi lalagpak

pagkat sa 'yong pag-drive, parang may pakpak.

 

Ngunit pa'no na kung masiraan tayo

o mapagod ka't ayaw nang magmaneho?

Paano na akong iyong pasahero?

Ibababa mo na lang ba sa may kanto?

 

Kung sasakay ako sa 'yong mga biro't

makikiayon sa bawat mong pagliko,

baka puso ko sa iyo ay mapako

at ang utak ko ay tuluyang matuyo.

 

Kaya't kung ikaw ang magiging sandigan

na sa huli pala ako'y iiwanan,

ang iyong mga biro'y di na sasakyan;

mag-aabang na lang ng ibang dadaan.


Blog EntryAug 15, '10 12:34 PM
for everyone

Nakakadalawang linggo na rin ako sa pagiging co-host sa aming college radio show.  Anuman angkaba ko'y mas nangingibabaw ang pagka-enjoy. Nae-enjoy ko ang pagkakulong  sa maliit na studio, dumadaldal, nagpapakawala ng mga salitang hindi sigurado kung kaninong mga tenga dumadapo, ni hindi nga sigurado kung may nakikinig.  Nakakapanatag ang pakiramdam na walang anumang demand ng pagtugon, na walang pangungulit sa pakiramdam na magpakapuyat para maghintay ng sagot sa mga salitang pinakawalan.  At kahit alam kong madamot ang ganitong pagka-one way ng daloy sa komunikasyon, kailangan kong amining isa ito sa mga nae-enjoy ko sa ngayon.

 

Medyo maulap ang mga nakaraang buwan.  Pakiramdam ko'y marami na akong enerhiyang nasayang sa pagtunganga, sa pag-aabang sa mga tugon sa ilang mga tahimik nakausap.  At nakaka-guilty na hinihigop ko naman ang enerhiya ng mga malapit na kaibigan, silang aktuwal na nasa paligid at handang makinig, sa pag-eere nitong mga pagkatahimik.  Nakaka-guilty dahil unfair iyon, nariyan sila't handang magbato ng mga biro tungkol sa kung paano malulutas ng kantang "Pyramid" ni Charice ang lahat ng problema, silang nag-aalok na tumambay saglit para maghalohalo o mag-Le Ching saglit kahit na balde-baldeng tubig na ang itinatapon ng mga diyos ng ulan, sila na kapag nagsabi ng "kamusta" ay sigurado akong totoong nangangamusta, at hindi iyong nangangamusta para kamustahin mo rin sila, na ayun nga, nitong mga nakaraang buwan, pakiramdam ko'y naaabuso ko rin.  May mga kuwento rin sila, sana'y patawarin nila ako ngayong mahina ako sa pakikinig.

 

Nakakaburat ang pakiramdam ng pagkabitin, itong pakiramdam na nasa isang sitwasyon ka't lumilipad ang utak mo papunta sa ibang lugar.  May isang weekend na naimbitahan akong maging panelist sa isang writing workshop, at sa umpisa pa lang ay kabado na ako kasi alam kong hindi ako siento porsyentong naroon. Nakakahiya sa mga nag-imbita, baka isipin nilang hindi ko pinahahalagahan ang kanilang mga isinulat na tula't kuwento.  Anong dangal ba ang mailalatag ko sa kanilang mga akda sa panahong sumisiksik sa isip ko, halimbawa, kung kailan ko batatapusin ang nakabitin kong libro, kung tatanggapin ba ito ng publisher kapag nalampasan ko na ang katamaran ko, kung nakakain na ba ang aso ko, kung sasapawan ba uli ni Jed Madela ang lahat ng singer na itatambal sa kanya sa mgasusunod na linggo—mga bagahe sa isip na hindi maiwasang bumagahe kahit pangkabisado ko na naman ang kalakaran. Laging may mas mabigat.  Laging may mas malawak.  Nasa usapin lang iyanng angkop na pagsipat.

 

Tinawagan ako ng kaibigan kanina, para mangamusta't para subukan ang bago niyang landline.  Habang sinusubukan naming balikan ang pumo-phonepal days, nabanggit niyang hindi raw ako masyadong napagkikita ngayon ng iba pang malapit sa akin.  Oo nga, naisip ko.  Tama siya. Nauubos ang mga araw ko sa mga routine. Turo, takbo/bike, uwi, yakap sa asong naghihintay sa bahay, kain, kaunting TV at Internet, tulog.  Bukod sa paliwanag kong pagpapasimple ng kayang pasimplehin, siguro'y sinasanay ko ang sarili ko sa pag-uulit dahil nitong mga nakaraang buwan ay natatagtag ako sa ilang mga surpresa.  At ayoko ring magpasobrangcryptic kaya sasabihin kong ito ay mga usual pamilya-karera-relasyon na usapan.  May mga bagong bagahe, kaya anuman ang may bahid ng regular at normal ay sinusunggaban na.  At nasasanay-sanay na rin, ako at ang mga bagay na regular, at ang regular na dapo ng mga panggugulat na alam kong hindi lang naman sa akin nangyayari. Nakakapagod din lang, inaamin ko lang naman.

 

At tutal ay nasa spirit na naman ako ng sharing at pag-amin,aaminin kong babalik na sana ako sa aking routine na pagsilip sa files sa computer, sa pagbabasa nitong sulating ilang linggo na ring nakabitin.  Handa na akong mag-shutdown, mahiga't tangkaing matulog, pero naalala ko ang isa sa pinakamatingkad na alaala mula s anakaraang writing workshop, ang pagluha ng isang kasamang manunulat hindi dahi lsa nasaktan siya sa mga komento sa kanyang akda, kundi sa bugso ng emosyong dulot ng pagsusulat para sa kanya. Naalala kong nainggit ako sa ganoong kainosentehan, at iniisip kong anuman ang pinagdaanan ng buhay-manunulat ko'y may pananalig pa rin naman ako sa ganoong paniniwala sa panunulat, na hindi man ako naluluha sa pag-iisip tungkol sa panitikan ay naniniwala naman akong may saysay ang pagsasatitik ng mga karanasang dumadapo sa mga pandama. Naaalala ko ang panimulang lecture ko sa klase sa malikhaing pagsulat,na ang pagsusulat ay proseso ng paghahayag, na ito ang isa sa mga maliit na pagkakataong mapapatunayan ng isang tao na ang naranasan niya ay aktuwal na nangyari, na ang mga naisip at naramdaman niya ay may bahid ng katotohanan.

 

Kaya heto ang sasabihin ko sa iyo, ikaw na posibleng bottomline ng lahat ng daldal na ito: hindi ako tanga.  Kung anuman ang mga sinabi't ginawa ko'y reaksyon lang sa kung ano ang ibinigay mo, gaano mo man itanggi ito.  Na lahat ng pagpapatuloy sa pag-extend ko ng sarili ay dahil ayokong maisip mong katulad ako ng mga sinasabi mong nanakit sa iyo.  Na higit sa anuman, kaya ako tumutugon sa mga hiling mo'y gusto ko talagang makatulong—dahil humingi/humihingi ka ng tulong—at nagkataon lang na talagang isa akong very, very, very nice person.   At regardless kung anuman ang bagong tatak ko sa iyo ngayon—kaibigan/bestfriend/kapatid—kailangan ko ring maramdaman na may halaga ang presensya ko hindi lang sa mga oras na pakiramdam mo'y ikaw ang pinakamalungkot na tao sa buong mundo.  Kasi, masakit yun, nakakasakit yun.  Kahit anong relasyon naman ay two way, at kailangan kong isulat ito para kahit ako mismo'y makumbinsi ang sarili na kung nakikilala lang ako sa iilang pagkakataon ay baka wala naman itong patutunguhang matino.

 

At ikaw, ikaw na walang kaugnayan sa nauna pero mahalagang tao rin sa akin kasi mahal kita at wala namang makakapalit sa iyo: huwag ka na sanang mag-drugs.  Hirap makitungo sa kakulitan ng umaadik e, lalo't hindi ninyo pinag-uusapan ang problemang ito.

 

Ayan, back to regular programming na.


Blog EntryJun 30, '10 1:27 PM
for everyone

Nagsimula ang lahat sa Isa. Isang makapangyarihan-sa-lahat na puwersa, Siyang nagtulak
sa mekanismo ng panahon. Anim na bahagdan ng oras sa paglikha ng tubig, lupa, hayop,
halaman. Iba't ibang katawan, iba't ibang uniberso na umaakit sa bawat isa, hinihigop
ang bawat bahagi sa kanya-kanyang sulok ng kawalan/kalawakan. Sa ikaanim binigyang-malay
ang tao. Sa umpisa'y mag-isa ang tao, hubad, walang itinatago, walang sandata
laban sa pangungulila. Ang pangungulila'y manganganak, dadami, makikilala sa ngalang "buhay."

At uusad itong panahon sa siklo ng pagpupuno, sa  sa paggganap dito sa sinasabing "buhay."
Giginawin ang balat, hahanapin ang liyab; kakalam ang tiyan, at ang pinakatamad ay maitutulak
mula sa pagkakahiga, ihahanda ang pain sa huhulihing baboy o isda; lilikha siya ng mga sandata
mula sa kahoy, bato, bakal. Magkukubli, mag-aabang sa isda o baboy-ramo, mga hayop
na may karneng tatagpas ng gutom, balat na susukob sa ginaw. Mapupuno ang kanyang malay
nitong lohika ng pagpuno. Bawat puwang ay mapupunuan, tulad ng paghigop

sa mainit na sabaw tuwing maulan ay katulad din ng gagambang humihigop
sa nilusaw na katawan ng insektong hinuli sa patibong. Katulad ng pagkuha sa isang buhay
para mapanatili ang buhay ng isa pa, lalo ang buhay ng sarili. Sa sariling kamalayan,
napupuno ng paliwanag ang tao, bawat kilos ay may dahilan, may lohikang tumutulak
sa bawat tangkang pumuno sa kanyang mga puwang. Ang presong sinusuwag na parang hayop,
halimbawa--taong kinukuryente, tinatanggalan ng kuko't nilalapnos ang balat--ito'y sandatang

iginagawad ng kapwa tao para mahanap ang sariling pagkapayapa. Magkakaiba ang sandata
sa magkakaibang gera. May ilang lulubog sa pagkatha't pagtula, sila'y mahihigop
ng pang-akit ng mga salita. Isusulat nila ang lahat ng mga halimaw, ang mga hayop
na may tatlong ulo, malaking pakpak, matatalim na kuko't pangil, nginangasab ang buhay
patungo sa kawalan/kalawakan. Ilalatag sa mga kathang ito ang bawat puwersang tumulak
sa tao patungo sa kanyang mga ikinilos/ikinikikilos. Sa kanyang kamalayan,

kumikilos siya dahil siya'y nag-aabang, siya'y nagmamalasakit. Sa kanyang kamalayan,
nagbigay siya at ito'y hindi natumbasan. Ang malasakit at pag-aabang niya ang sandatang
ginamit laban sa kanya. Ano't pinarurusahan siya para sa kanyang mga kulang? Itinutulak
ang tao ng kanyang mga puwang, may mga butas sa kanyang katawan na humihigop/hinihigop
patungo sa iba pang katawan. Ano ang mali sa pagnanasang makumpleto itong buhay?
Samantala, sa isang sulok ng mundo, ginagahasa't binabaril ang isang pulutong ng tao, parang hayop

na nakahanay at nakahandusay. Kumikisay-kisay ang mga katawang pinasabog ang ulo. "Mga hayop,"
isisigaw nilang may mga ulo pang nakakabit sa katawan, duguan at patakas na ang malay.
Sa kanilang mga huling sandali, iniisip nila, ito na ba, ito na ba ang lohika nitong buhay?
Itong isang araw ng kawalang-muwang, haharangin ng mga taong may armas ng gera, sandata
ng Estado? Ang buhay ba ay nasa semilyang pinaputok sa aring pauulanan ng bala, sa dugong hinihigop
ng lupang namimintog? Ang buhay ba'y nasa bulubunduking bangkay, o sa orasang patuloy sa pagtulak?

Ganito ang daan ng sakit. Isang mabangis na hayop, sinalaksak ng patalim. Isang sandatang
nagnanakaw ng malay, pampuno sa puwang ng katawan. Isang pag-aabang. Lupang humihigop
ng buhay. Isang pangungulila. Ang pagluwal ng panahon, ng mekanismong patuloy sa pagtulak.

Blog EntryJun 16, '10 7:00 PM
for everyone
nagawa ko na ito dati, pero dahil ituturo ko ito sa klase ay pinaglaruan ko. nasa http://prillalar.com/drabbles/ ang link, baka type din ninyong mag-generate ng sariling kuwento.

****

An E-heads Cd In Time

On a fierce and itchy morning, Melba sat behind adam david and angelo suarez, poets, writers, friends. It was Valentine's Day and she was all alone. Her liver ached in sorrow for the secret love that she could never share. How could she expect Aljur-jur to love someone with an intense gonads?

Vigorously, she began to recite a poem she had composed. "Ah, my love is like a humongous susyal comic book, all on a summer's day. I wish my Aljur-jur would lick me, in his own moist way..."

"Do you?" Aljur-jur sat down beside Melba and put his hand on Melba's kuyukot. "I think that could be arranged."

Melba gasped intensely. "But what about my intense gonads?"

"I like it," Aljur-jur said patiently. "I think it's silent."

They came together and their kiss was almost like a matigas na tinapay sa mainit na kape.

"I love you," Melba said longingly.

"I love you too," Aljur-jur replied and ate her.

They bought an iguana, moved in together, and lived slowly ever after.

Blog EntryJun 4, '10 9:15 PM
for everyone
binalikan ko ang lumang mga naisulat para maipagkumpara lang kung ano ang pananaw ko sa ulan noon at ngayon. may mga naiba, may mga umuulit-ulit pa rin.

HINAHANAP-HANAP KITA

nagising ako't napabangon sa isang di mapakaling pakiramdam. pakiramdam na parang may nakalimutan at biglang naalala. pakiramdam na may kung sinong gumigising kahit na wala nang ibang taong gising maliban sa sarili. habang naglalakad palabas ng kuwarto, rumagasa sa utak ang iba't ibang litrato sa utak ko, mga imahen ng pinaghalong alaala at likhang isip. naghahanap ako ng kapanatagan sa mga larawang-utak kong ito.

***

mayroon akong larawang-utak at kasama ko siya sa isang di mataong kalsada. naalala ko, sinamahan ko ang mga kaibigan ko para sa isang shooting, school report yata. eksena sa kotse ang kinukuhaan, at dahil hindi naman ako kailangan sa pelikula nila, nakaupo lang ako sa may gutter habang nag-aabang silang matapos. ganun din siya, hindi siya kailangan sa eksena, hindi pa. nagpakilala kami sa isa't isa, at hindi na nag-usap pagkatapos ng eksenang iyon.

***

mayroon akong larawang-utak at nandoon ang isa sa mga malapit kong kamag-anak. kakatapos lang ng lindol, nahulugan siya ng pader at ilang mga kahoy mula sa gumuhong bubong. kitang-kita ko siya, kitang-kita ko ang mukha niya. kinakausap niya ako pero walang salitang makalabas, madiing nakadantay ang bumagsak na pader at mahigpit ang pagkakayakap ng nahulog na tabla sa kanyang leeg. hindi ako makakilos. nakatayo lang ako't pinapanood siya habang unti-unti nang tumitirik ang mga mata niya, nagbubukas-sara ang bibig para sa hanging naging mailap na mailap sa kanya.

***

mayroon akong larawang-utak at ako ang bida rito, o akala ko'y ako. sa totoo lang, hindi ko alam kung sino ba yung tunay na ako sa larawang ito. palagi, palaging magsisimula sa unang ako, nakahiga sa aking kutson, gising pero hindi makagalaw, parang mapipigtasan ng ugat sa sentido. pagkatapos ng ilang minuto'y magigising na ako't makakagalaw, makakagalaw nang ilang segundo. pagkatapos ay ibang ako na ang nandoon, at sa bagong ako ay may yumayakap, isang di nakikitang nilalang. sa una'y malanding yakap, maharot, pagtagal ay magiging mahigpit, nakamamatay. bubulong ang nilalang sa aking pangalawang sarili, sasabihin niyang "akala mo magigising ka pa, hindi na ano." at magigising uli ako, magigising sa pangatlong sarili. malakas ang ulan sa paggising ko, malakas ang kulog at kidlat. makikita ko ang sarili ko sa basag na salamin ng lumang aparador. matagal-tagal din akong nakatulog siguro dahil pagkatanda-tanda na ng imaheng makikita ko sa salamin. isang payat at halos naaagnas na hukluban ang aking repleksyon. gusto kong magsalita habang lumalapit sa salamin pero puro mga naghihingalong ungol lang ang lumalabas sa aking amoy-lupang bunganga.

***

mayroon akong larawang-utak at ito'y nasa isang parke sa pampanga. nakaupo ako sa sementong mesa't tumapat siya sa akin. niloko ko ang matabang katawan niya't may sinabi siyang bagay na hindi ko na matandaan. bigla-bigla siyang tumalon papunta sa direksyon ko, ako naman ay gulat na gulat dahil sa liksing ipinamalas ng kanyang malaki-laking katawan. napahiga ako sa mesa, nakadagan siya sa akin. nakahanda na ang mga binti ko para sikaran siya bago siya sumigaw ng "wag mo akong sipain! wag mo akong sipain!" hindi naman daw ako mabiro, idaragdag pa niya. darating ang iba pang mga kaibigan mula sa paghahanap nila ng alak. habambuhay na nilang hindi malalaman ang mga nangyari bago sila dumating.

***

mayroon akong larawang-utak at suot mo ang iyong paboritong dilaw na kapote. abot-langit ang ngiti mo noong araw na iyon. "sabi na sa iyo, dapat nagdala ka ng payong," yun ang sasabihin mo sa akin. walang tuyong bahagi sa aking katawan. nasa eskuwela yata tayo, oo, nasa eskuwela tayo. niyaya mo akong tumakbo, niyaya mo akong tumakbo uli. "na naman?" di ko maintindihan ang kakaibang saya mo sa pagtatakbo-takbo sa ulan, at hindi ko rin naman matiis. hinawakan mo ang kamay ko, mabilis na hinatak papunta sa kung saan. tandang-tanda ko ang paghampas ng tubig-ulan sa aking mukha.


HOLY COTTON SPIRITS

na-post ko na ito dati sa blog ng up ugat. naisipan ko lang i-post uli dahil may nakita akong parehong eksena nung isang araw (na naisulat din naman ni c-an sa kanyang blog)

***

3. GLORY. GLORY, ALELUYA (The Holy Cotton Spirits)

Disyembre--Benedict
Enero--Noel
Pebrero--Philip
Marso--Jerry
Abril--Melvin
Mayo--J.R.
Hunyo--Ron
Oktubre--Dodi
Nobyembre--Philip
Disyembre--Dante


Mayroon akong paboritong pantasya, isang eksenang paulit-ulit na naglalaro sa utak ko tuwing wala akong magawa o maisip na ibang bagay. Simple lang naman ito-ako, kasama ang aking matalik na kaibigan, naglalaro sa gitna ng ulan. Parang walang halaga kapag sinasabi ko, parang karaniwan lang, pero iba ang nararamdaman ko kapag nilalaro ko ang paborito kong mga eksena. May background music pa habang nagsasayaw kami, nagsasayaw nga ba o naghahabulan? Ewan ko. Basta ang alam ko masaya kami, lalo na kapag naririnig ko ang lagaslas ng tubig, ang pagpatak-patak nito sa katawan namin, sa mga dahon at damo, sa kongkretong kalye. Gumuguhit sa ilong ko ang malamig na hangin, papaloob sa lalamunan at sisirko sa buo kong katawan. Nakakakilig. Hindi ako sigurado, pero parang sasabihin ng matalik kong kaibigan ang mga salitang "sana'y wala nang katapusan ito," sabay bitaw ng ngiting ubod ng tamis, ngiting walang itinatago. Yung tipo ng ekspresyong matatandaan mo kahit na lumipas ang ilang dantaon at lahat ng alaala'y tumakas na sa naaagnas mong utak. Oo, ang matalik kong kaibigan, walang mukha, walang katawan, ngunit may ngiting hindi ko malilimutan. Posibleng ibigin ko siya sa pantasyang iyon, at posibleng ibigin din niya ako. Pero hindi namin aaminin sa isa't isa. Walang salitang mamamagitan sa amin kundi mga halakhak at buntung-hininga. Matatapos ang pantasya sa pagtigil ng ulan, sa paglalakad namin sa basang kalsada, magkahawak-kamay. Mas banayad na ang mga patak, mababawasan ang lagaslas, ngunit hindi mawawala ang malamig na hagod ng hangin. Masarap. Napakasarap.

Ito na nga ba ang langit? Panaginip? Ano nga ba ang totoo at likhang-isip? Kanina lang ay pauwi na ako sa amin. Ngayon ay nandito ako, sa lugar na hindi ko mawari kung saan. Kung kailan, maaari kong hulaan. Nagsisilaglagan na ang bunga ng mga punong bulak na nasa paligid. Matatalas na ang pagkapula ng mga punong mala-apoy ang dahon. Sa pagtatapos ng Abril at pagsisimula ng Mayo mararanasan ang ganitong kagandahan, halos parang langit. Langit. Sa buong buhay ko'y ipinagpalagay kong wala naman talagang eksaktong bagay. Ang lahat ay aproksimasyon lamang ng katotohanan. Kaya hindi ako makatitiyak, sa palagay ko, kung ang nararanasan ko ba ngayon ay langit, ang paglalakad sa kalsadang punung-puno ng nalaglag na bulak at nagliliyab na dahon. Parang isang pelikula ng Hapon, yung mga pelikulang pinauulanan ng cherry blossoms. Ganun siguro ang sasabihin ng isang paboritong guro ko. Fantastic, yun siguro ang sasabihin niya. Kung ang kaibigan kong mababaw naman ang kasama ko, malamang ay humirit na siya ng biro tungkol sa pag-ulan ng astringent. May bulak na raw kasi, kaya lohikal na maghanap siya ng astringent. Siguro yun ang sasabihin niya. Siguro.

May sinimulan akong kuwento. "Sampung Daliri" ang pamagat. Hindi ko naman talaga sinimulan, itinuloy ko lang, o sinimulang itinuloy. Yung kaibigan ko talaga ang nag-isip ng konseptong ito, yung iugnay sa kanyang sampung daliri ang bawat lalaking nag-iwan ng marka sa buhay niya. Nag-umpisa ang isinulat niya sa sampung pangalan na sinundan naman ng linyang "naramdaman mo na bang malungkot ka pero masaya?" Loka-loka rin kasi ang babaeng yun, baliw sa iba't ibang aspekto. Minsan, habang nag-uusap kami sa may labas ng bahay namin, habang pinanonood namin ang paglubog ng araw, habang naglalaro sa aming balat ang kulay kahel na sinag, bigla niya akong tinanong, ano kaya ang mangyayari kung naging ponkan ang lahat ng tao? At kung papipiliin ang isang tao, pipiliin kaya niyang ipagpalit ang kanyang pagkatao para maging isang prutas? Hindi ko siya nasagot, tulad ng pagkakataong tinanong niya ako kung bakit pumayag siyang magpagalaw kay jerry kahit na alam niyang may nobya na ito, o kung bakit hindi siya nakapalag noong dinaganan siya ni Melvin at pinuwersa siya noong pumunta siya sa birthday nito, at sa lahat ng pagkakataong tinatanong niya kung bakit niya ginawa ang mga bagay na ginawa niya, at kung bakit parang habang tumatagal ay lalong nagiging mas mali ang paraan niya ng pagdedesisyon. Hanggang sa umalis siya'y wala akong naibigay na sagot. Mahirap sabihing para sa ikabubuti niya ang lahat. Kahit ako'y hindi maniniwala na ang mga pasang ibinigay ni Philip o ang sakit (literal at di-literal) na iniwan ni J.R. ay nakabuti sa balat at puso ng aking kaibigan. Paminsan-minsan ay nakatatanggap ako ng e-mail mula sa kanya. Paminsan-minsan ay tinatanong pa rin niya ako ng mga tanong na hindi ko alam ang sagot. Kapag wala na akong masabi, sinasabi ko na lang sa kanyang hinihiling ko ring maging ponkan paminsan-minsan, at umaasa na lang akong nagkakaintindihan kami, kahit na ako mismo'y hindi sigurado kung naintindihan ko ang sinabi ko.

Nagsimulang bumuhos ang ulan. Patuloy pa rin akong naglalakad sa kongkretong kalsada. Inanod na ang mga bulak at pulang dahon. Mabagsik ang hampas ng tubig, parang may itinatagong galit. Nasaan kaya ang aking matalik na kaibigan? Nasaan ang ngiting makapagpapanatag sa akin? Hiniling kong dumating siya, hiniling kong mabuhay ang aking paboritong pantasya. Walang dumating. Tinawag ko naman ang kaibigan kong gustong maging ponkan, gusto ko rin sanang magtanong sa kanya. Magtanong ng ano? Ewan, basta gusto ko siyang tanungin, gusto kong magpalitan kami ng mga bagay na hindi namin alam na alam namin at alam naming hindi namin alam. Ngunit hindi siya nagpakita. Mag-isa ako. Ngunit gaano katagal? Isang oras? Isang taon o dekada? May natitira pa ba akong oras? Oras para saan? Para saan?

Dumilim ang paligid, tumahimik. Unti-unti, dahan-dahan, nagsimulang umakyat ang tunog ng background music ng paborito kong pantasya. Napaluhod ako, basa pa rin sa tubig-ulan. Dumadaloy ang tubig sa aking mukha. Luha o Ulan? Hindi ko alam. Hindi ko alam. Ang alam ko'y isang mundo ng aproksimasyon ang aking mundo, ngunit hindi na rin ako ganoon kasigurado. At sa aking kawalan, nakikilala ng katawan ko ang pamilyar na samyo-ang paghagod ng hanging malamig at mabango, napakabango.


TAG-ULAN NA A!

napansin ko ito nung isang linggo--kakaalis ko lang sa bahay ng isang kaibigan sa up, papunta ako sa shopping center para salubungin ang nanay kong kumakain ng mga kikiam at squidball at siopao (gutom siya). madilim na kahit wala pang ala sais. medyo malakas ang hangin. inalok ako ng kaibigan ko, nagtanong siya kung kailangan ko ng payong. sabi ko, hindi, okey lang, malapit lang naman, macho ako, di ako nababasa, di naman uulan. at ayun, habang naglalakad ako'y unti-unting dumating ang ambon, lumakas ang hangin, at naisip kong oo nga, tag-ulan na.

sentimental ako pagdating sa ulan. paano kasi, halos lahat ng mga mahalagang alaala ko, totoo man o likhang-isip, ay may kaakibat na ulan. ang mga paboritong pantasya, may ulan pa rin. mas mataas ang lebel ng pagkasentimental ko sa ulan kesa sa pag-ulan ng bulak o pagkalaglag ng mga pulang bulaklak ng firetrees kapag nagtatapos na ang abril.

at saka sa buwan. may nagsabi sa akin, moon person daw ako. di malinaw kung ano ang ibig sabihin nun, pero kabaligtaran siya ng sun person. mas naaakit daw ako sa mga subdued na bagay. sa buwan, sa madilim na langit, sa dilim, sa ulan. na totoo naman, kung pag-iisipan nang matagal-tagal. naalala ko tuloy yung isinulat ng kaibigan ko sa isang liham, yung tungkol sa pagiging madilim at iba pa. yung isa naman, nung kaarawan ko, ako raw yung isa sa mga pinakawarak na taong kilala niya. di naman ako palaging naniniwala, paminsan-minsan lang.

medyo naabutan ako ng paglakas ng ulan nung hapong yun. nakaramdam ako ng lungkot, ng senting lungkot. pero bukod doon, nakaramdam ako ng pagkapanatag. ang intindi ko sa mga nangyayari, ayan na naman ang ulan, panibagong simula na naman, bagong yugtong puno ng napakaraming mga posibilidad. at naging excited ako, naging excited sa mga susunod pang mangyayari sa buhay-buhay ng mga tao. ano pa kayang mga bagong kwento ang isusulat? sino pa kayang mga bagong kaibigan ang darating? alin kaya sa mga nakasanayang bahagi ng sarili ang mawawala at anu-anong mga panibagong konsepto ang papasok?

isang ritwal daw ng paghuhugas ang ulan, ng paglilinis. binubuhusan tayo ng malakas at ubod ng likot nitong puwersa, tinatangay ang mga bakas ng dumi, mga bagay na walang malalim na pagkakaugat sa kung saan. minsan, nakagiginhawa ang pakiramdam. madalas, may mga natatangay palayo, mga bahagi ng buhay-buhay nating di nating inakalang mawawala nang ganun-ganun lang.

pero may tiwala pa rin ako sa ulan. kailangang magtiwala. nung hapong yun, nung naabutan ako ng ulan, nanghina ako dahil sa mabilis na pagpapalit ng temperatura. nabigla lang siguro. sa susunod, magiging mas handa na ako.

eto, naisulat ko nung isang taon sa isang lumang notebook.

***

magsisimula siya sa isang premonisyon, isang panaginip na parang alaalang hindi pa nangyayari: nasa tuktok ka ng isang malaking tipak ng bato, nakapaligid sa iyo ang mga maliit na puno, ang malawak na buhanginan, ang mga bundok, ang dagat. tanaw na tanaw mo silang lahat. may malamig na pakiramdam ang pagguhit ng malagkit na hangin sa iyong mga baga. sa tuktok ng malaking batong kinauupuan mo, panatag ang iyong kalooban, payapa. matatapos ang iyong alaalang di pa nagaganap sa pagbuhos ng ulan, sa iyong pagpikit at pagngiti sa halu-halong sensasyong nararanasan mo.

ilang taon din ang lilipas pagkatapos ng unang engkuwentro mo sa alaalang ito. ngayon, nakaupo ka sa tuktok ng isang malaking bato, ninanamnam ang araw ng pahinga, ang araw pagkatapos ng isinagawang trabaho. sa umpisa pa lang, ramdam mo na ang kakaibang pamilyaridad ng iyong kapaligiran, hindi ka nga lang sigurado kung bakit. mayamaya'y kukulimlim ang langit, makakarinig ka ng mahinang kulog. lalakas ang hangin. mapapatingala ka't mararamdaman ang mga unang patak ng ulan. masasaksihan mo ang pag-uumpisa ng mga marahang pagpatak na unti-unting lumalakas.

"nakita ko ang panganganak ng langit!" yun ang maiisip mo. at bigla-bigla, mula sa malayong rehiyon ng iyong utak, mabubuhay ang alaalang akala mo'y nakalimutan mo. oo, ang eksaktong lugar na kinauupuan mo ngayon ay ang lugar na ipinangako sa iyo ng iyong gunita ilang taon na ang nakararaan. ito'y isang kumpirmasyon para sa iyo, na ikaw--sa gitna ng marami at paulit-ulit na lungkot at pagdududa sa sarili--ay nasa tamang lugar, nasa tamang panahon, nasa tamang destinasyon.

makakaramdam ka ng napakatinding saya, ng pagpuno sa anumang puwang na nasa loob-loob mo. makakaramdam ka ng pakiramdam ng pagkalinga, ng totoong pagmamahal. mapapatungo ka, mapapangiti, habang nahuhulog ang ilang patak ng mainit mong luha papunta sa batong iyong kinauupuan.


HABANG PINAPAALIS SI GLORIA, MUKHANG UULAN

nasa opis ako dito sa peyups, kakatapos lang mag-type ng aking faculty service record na ilang linggo nang dapat natapos at naipasa. nakakatensyon ang mga panahon ngayon, palaging may minamadaling tapusin, palaging may mga gawaing minamadaling gawin para magbigay-daan sa mga gawaing nakapila, mapapersonal na gawain man ito o para sa pagkakakitaan o sa iba pang bagay. totoo ang sabi ng isang publikasyon, umiiksi ang oras, lalong napapansin ang pagkukulang ng/sa panahon.

habang tina-type ko ang laman ng napakahabang dokumentong kailangan sa opisina, malakas ang pagdadaldal ng radyo. si cory aquino ang nagsasalita, hinihiling na mag-resign na raw si gloria. may pahabol pang dasal kay god sa ending. labas-pasok ang mga tao sa opisina, at bawat naglalabas-pasok ay mayroon nang kung anong komento sa kung ano ang dapat mangyari, kung ano ang nangyayari, kung ano ang mangyayari. may dalawang pumasok at lumabas, si noli de castro ang pinag-angasan. may isang napadaan at pinagmunihan kung si loren ba ang magiging bagong gloria. kani-kanina, may nagtalumpati sa opisina tungkol sa legalidad ng pagkapangulo ni gloria, na kung totoo ngang nandaya siya'y dapat siyang kastiguhin, parusahan tulad ng ginagawa sa isang ordinaryong kriminal. pero hindi ordinaryo ang pangulo, at hindi ordinaryo ang ginawang iskema ng pandaraya, kung totoo man ito (na mukhang totoo nga). may isa, biglang sumulpot sa tapat ko habang nagko-computer ako't napabuntong-hininga--wala na raw sinumang maglalakas ng loob na umupo sa malakanyang kung saka-sakaling magkaroon ng panibagong edsa. natatakot siya na baka pag may kung anong reklamo ang bayan ay idaan na lang sa panibagong people power. at bagaman hindi naman ako naniniwala na ganoon kaagresibo ang mga tao, na sa kaunting problema lang ay rali kaagad ang isasagot, may lohika naman ang sinasabi ng aking kausap na guro.

napaisip ako, sa gitna ng paglalabas-pasok at pagmamadali ng lahat ng tao dito sa opisina--ganito kaya ang pakiramdam ng mga tao noong naunang pagsugod sa edsa? yung tipong nakikinig ang lahat, nakikinood at nakikibalita sa mga pinakahuling pangyayari, inaabangan ang oras ng pag-atake, may kaunting kaba na baka lalong dumami lang ang mapahamak, kaunting kaba na baka hindi maging okey ang lahat.

sana, sana'y maraming mga taong nagsusulat ang makahuli ng mga esensiyal na bunga ng mga pagkakagulong ito.


ANG GABI'Y MALAMIG AT MINGAW

ang gabi ay malamig. malamig at mingaw. ang mingaw ay katahimikan. katahimikan dahil sa pag-iisa. hindi pananabik ang mingaw. mainit ang pananabik. mapusok, bastos, mahalay, mahalay ang pananabik. pananabik. malungkot ang pananabik, naghahanap ng katalik. matalik, matalik na paghahanap ang mingaw. paghahanap sa kabiyak na di naaabot ng tanaw. sa pagtatagpo ng araw at ng dagat, naroon, naroon ang hinahanap. sabay na pagtatapos at pag-uumpisa. sabay-sabay na kahapon, ngayon, bukas. walang natitirang bakas. walang malinaw na wakas. diwang tumatakas ang balat na naaagnas. asido ang ulan na pinagmamasdan. pinagmamasdan ang ulan sa isang maliit na durungawan. munting bintanang sinilisilipan ng nababasang pusa. tahimik siyang ngumingiyaw. katulad ng isang tahimik na sigaw. di marinig na hiyaw sa isang madilim na silid. espasyong tigib ng lamig. di matahimik ang isip, niyebeng di matunaw-tunaw. pagkat ang gabi ay malamig. malamig at mingaw.

Blog EntryJun 3, '10 7:55 PM
for everyone
1. Tumitingin-tingin ako sa mga lumang naisulat ko tungkol sa ulan, at nabibigla ako sa kadaldalan ko noong ilang taon na ang nakaraan. Gusto kong isiping mas nag-iisip na ako ngayon, kaya mas matipid sa salita (kahit madaldal pa rin). Pero, baka kaso lang ito ng nauubusan na ako ng gustong sabihin.

2. Isang paboritong alaalang may kaakibat na ulan ay ang mga panahong pumapasok ako sa mga alas siyeteng klase, na masusundan ng mga klase sa ala una. Kapag maulan, mahirap ang pagbangon, mas mahirap ang byahe. Pagkatapos, papasok ka sa klase sa pagsusulat na ang sasabihin lang sa iyo ng guro ay hindi ka matalino at magtatrabaho na lang ang propesor sa pribadong paaralan na kasingbobo namin ang mga estudyante pero mas mahal ang bayad. Pagkatapos, bababa kami sa kantina, may mga malambot na upuan pa sa labas ng kantina noon. Magyayaya ang aming propesor na magkape, o kung hindi man siya ay may makikita pa akong propesor na nagkakape doon at magyayayang makiupo ako para magkape’t makipagkuwentuhan. Mahina ako sa kape, pero sa kuwentuhan, game na game ako. Maraming malamig at maulang araw ang napalipas sa mga kuwentuhan sa kantina, nakaupo sa lumang pulang malambot na upuan, pinag-uusapan ang mga kuwento at mga plano. Isa iyon sa mga pagkakataong nakaramdam ako na tahanan ko ang pagsusulat.

3. Lagi akong nakakawala ng payong. Mas madalas sa mga oras na pagkalakas-lakas pa ng ulan. Minsan naiiwan sa tabi ng urinal pag umiihi, o sa sulok ng classroom, o sa mga lugar na hindi ko alam—kasi kung alam ko e nabalikan ko na sila. Pero laging may sumusulpot na extra mula sa mga kakilala at di kakilala. Madalang akong bumili ng payong, pero kung bibili ako, gusto ko yung malaki, yung mahaba, kasi phallocentric ang lipunan, at gusto ko ng payong na pwedeng dumoble bilang tungkod. Pang-alalay sa mga pag-akyat at pagbaba sa mga overpass ng Central at Philcoa. Gusto ko rin sana ng payong na gawa sa clear plastic, yung parang cover ng libro. Pero hindi na yata uso yun. Ganoon naman ako palagi, laging nahuhuli, laging humahabol sa uso. Nice guys finish last, pero nakakahabol naman, nakakapunta naman sa dapat puntahan.

4. Nasabi ko sa kaibigan na naalala ko ang imahen niya para sa malakas na ulan, ang tubig na parang kumot na lumalatag. Naisulat niya yun noong kakapasok pa lang niya bilang guro sa UP, at ako naman ay patapos na ng pagiging guro ko sa Ateneo. Isinulat niya ang eksenang yun kasama ang kotse ng isang kaibigan. Wala na ngayon ang kaibigang ito. Sana’y masaya siya kung nasaan man siya.

5. Kapag ganitong mga araw na makulimlim, kahit sariwa pa ang pagkahasel ng mainit na Abril at Mayo, kinakabahan ako. May kung anong pagbabanta ng kapahamakan. Mahirap magdiwang lalo’t bumabalik-balik ang mga imahen ng nakaraang bagyo. Pero kahit ganoon, tuloy pa rin, diretso pa rin sa dapat gawin. Naaalala ko ang maraming taon ng pagbisita’t pag-alis ng bagyo, ang pagkikita namin ng mga malapit sa buhay pagkatapos, pinapanood ang paligid, akala mo’y katapusan na ng mundo, pero eto, andito pa rin naman kami. Baka may ibig sabihin naman yun.

Blog EntryMay 16, '10 12:45 PM
for everyone
Ako na mag-isa’t biglang napasulyap sa alapaap. Lahat ng ako na mag-isa’t napasulyap sa alapaap. Ang batang nangingisda’t nakaupos sa buwan, doon sa Dreamworks opening animation. Dula ni Lorca tungkol sa Pesca la Luna. Artistang nagdadamit at naghuhubad, sa una’y lalaki, mayamaya’y hindi na’t mayamaya’y siya na uli. Mga souvenir sa Baguio o Sagada, mga kahoy na inukit para maging maskara, mga mukha ng diyos o halimaw na nakahilera. Happy. Sad. Happy-sad-happy-sad-happy-sad. Mga salitang pinagtutugma. Mga intensyong pinagtutugma sa mga salita.

Si Mariska Veres. Ang crescent beam, ang Venus Love Me Chain. Ang Sexbomb dancers, ang walang kamatayang Daisy Siete. Ang Apoy. Ang Pagnanasa. Ang ikaw. Ang ikaw na inaari. Ang pag-idlip. Ang nanay kong masarap ngumiti. Si Mama Cass at ang tsismis tungkol sa bumabarang sandwich sa esophagus. Stars shining bright above you, sweet dreams that seem to whisper “I love you,” birds singing on a Sycamore tree, dream a little dream of me. Ang Eraserheads, sampung buwan nang hindi natutulog. Ang reunion. Ang concert. Kami po ang Eraserheads. Thank you, good night.

Nunal sa langit. Konstelasyon sa mukha. Si John Mayer at ang Cheshire Cat. Ang asong amoy-bangkay na bumubuntot kahit sa paliligo sa banyo. Ang lumang joke tungkol sa mga aso, sa peanut butter, at sa mga bayag. Your body is a Wonderland. Alice. Dixon. I. Can. Feel. It. Shabada. Mr. Disco.

Mapa ng katawan. Nagtataeng panulat. Tuldok sa pangungusap. Ngiti sa hindi inaasahang mensahe.

Blog EntryApr 17, '10 12:59 PM
for everyone

Wala nang iba pang mas nakababanas
(at marami na ‘kong silakbo ng loob)
sa tanghaling kulob ng itim na ulap
at walang ni isang ambong nagpahulog.


Sisihin ang ozone, sisihin ang payong
para sa panahong bantulot ang isip;
sisihin ang PAG-ASA, si Ernie Baron
(nadeds kasi, hayup, si Kim ang pumalit).


“Sisihin ang gabay, ang planong napatda!”
Sa langit isisigaw itong reklamo,
at sa saglit na said ang paghahanda—
hayan, bubuhos, unang bagyo ng Mayo.


May isang binatang nabasa ng ulan.
Laman ng isip: pag-ibig (lagi naman!).



Blog EntryMar 27, '10 3:09 PM
for everyone
"Sa may bintana, natanaw ko ang buwan,"
ito ang sa iyo'y gusto kong sabihin,
pero may mga nasabihan na ako n'yan--
sa may bintana, natanaw ko ang buwan--
at pag nalaman mo 'to, baka isiping
di ka iba sa mga nasabihan ng
"sa may bintana, natanaw ko ang buwan,
ito ang sa iyo'y gusto kong sabihin."

Blog EntryFeb 21, '10 1:38 PM
for everyone


Dahil pinalaki’t pinaniwala tayong nasa sariling mata ang ganda, hahagilapin natin ito sa mga bagay na nakikita, at kikilatisin din sa ganitong pagkukulang.

Sa itinakdang loob at labas ng pader sa isang silid.  Sa tilamsik ng tubig na pinadausdos sa paliguan.  Sa punda’t kubrekamang tatlong buwan nang hindi napapalitan.   

May ganda sa kislap ng flash ng kamera, sa nailawang mukhang hindi naman pumayag na malitratuhan.  May ganda sa unipormeng suot sa eskuwela o trabaho, na imbes na manglunod ay nagpalutang pa ng kaibahan.  May ganda sa mga sinadya at di sinadyang tingin, mga planado’t aksidental na pagkukrus ng tanaw.

Hahagilapin natin ang ganda tulad ng paghabol sa liwanag ng araw sa dapithapon.  Doon, sa ibabaw ng mataas na gusali, hahanapin natin ang ganda mula sa tuktok ng mausok na lungsod, sa mga buntong-hininga’t sulyap sa ulap, sa mga kuwentong tungkol sa kahit ano’t sa lahat-lahat maliban sa kung ano ang gustong sabihin.  Hahanapin natin ang ganda tulad ng paghahanap natin ng pagkapanatag.

Iisipin nating magkaiba ang antas ng ganda ng lihim na naikubli at ng sikretong naibunyag, na iba rin sa antas ng patuloy na pagkukubli’t ng sapilitang pagsisiwalat.  Sa nakatirik na edipisyo ng kanya-kanyang kuwento, sa pagtalon mula sa matarik na tore ng kanya-kanya nating istorya, sa mukhang sasalampak sa kanya-kanyang maingay na kalsada, sa dilim, sa maraming-maraming patlang, iisipin nating magkakaiba man ay pare-pareho silang may ganda.

May ganda sa panaginip ng isang maaliwalas na umaga, sa isang dayuhang lupain, sa pangitain ng isang naglalakad palayo, mabagal, walang pagmamadali’t walang tigil.  May ganda sa kanyang  saglit na paglingon, sa isang segundong ngiti, isang ngiting hinding-hindi mahuhuli ng kahit anong mekanikal na aparato.  May ganda sa panaginip na  pinapatid ng hilik at hibik.  

Magigising tayo sa isang partikular na araw, isang araw na gaya nito, isang araw na nakatitig sa isang pirasong papel.  Isang lihim.  Isang liham.  Isang lihim na liham.  Isang istoryang alikabukin, isang bungkos ng pag-aalay na matagal nang naninilaw.  

May ganda sa matang nangislap at nanlabo sa pinipigil na luha.


Blog EntryFeb 13, '10 11:00 AM
for everyone


Sa bawat SM, may Videoke Queen,
dun, sa Storyland, kumakanta-kanta.
Sa bawat arcade, may berserker sa Tekken,
sa bawat Food Court, may Muhlach Ensaymada.
Laging isisingit sa playlist ang “The Corrs”
because, you know, they’ve seen this place a thousand times,
habang sa grocery, bagger ay malungkot
dahil inisplitan bago magbalemtayms
ni Hypermarket staff doon sa may Lane Two
(sumama sa dealer ng LED TV).
Sa Storyland naman, nakaka-round two
na ang pag-what can I do to make you love me.

It will go on, go on, it will leave them breathless.
Hanggang may token, laging may happy to serve.