Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH
Blog EntryDec 5, '09 11:46 PM
for everyone
(binasa ko yung ilang bahagi ng papel na ito sa nakaraang PEN national conference. may balak akong isulat na mas mahabang piyesa na ang ilang punto ay nabanggit na rito)

Ang pinakabagong book project na binubuo ko ay pinamagatang Ikaw ang UP-UP-DOWN-DOWN-LEFT-RIGHT
-LEFT-RIGHT-B-A-B-A-SELECT-START ng Puso Ko. Hinugot mula sa lumang Super NES Game ang pamagat, na pinaplano kong sumentro sa ideya at imahen ng mga laro. Kung mabubuo, ito ang magiging pangatlo sa koleksyon ng mga librong nakapasok sa genre na Creative Nonfiction mula sa publishing house na Milflores Publishing—kasunod ng mga nauna nang koleksyong Isang Napakalaking Kaastigan (2008) at A-Side/ B-Side: ang mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo (2009).

Nitong mga huling taon, palagi kong ihinahayag na ang anumang proyektong pasulat na isinasagawa ko ay nakapailalim sa isang Aca-Fan Attitude. Ang Aca-Fan ay isang terminong pinauso ni Prop. Henry Jenkins, propesor ng Comparative Media Studies sa Massachusetts Institute of Technology na may tutok sa Games at Fan Studies. Kinikilala ng konseptong Aca-Fan ang pag-iral ng isang reader-writer hybrid na kumikilala sa halaga ng pagkahumaling sa mga popular na media at teknolohiya habang sinisikap na ilapat ang buong akademikong potensyal na inaasahang naitanim ng kanyang pagiging bahagi ng akademikong institusyon.

Tinutulungan ako ng ganitong attitude para palaging maalala na ang pagsusulat ay palaging isang ideolohikal na gawain, isang dinamikong labanan para sa pagpapakahulugan. Ginagawa akong malay sa mga kakayahan at limitasyon ng pasulat na anyo, at tinuturuan ako nitong lampasan ang anumang tinitingnang pagkukulang o balakid dahil sa batid kong ang pagsusulat, hindi man palaging madalian o malapitan, ay may epekto at nakaaapekto sa sinumang makakabasa nito, gaano man kaliit o limitado ang grupo ng mga tagabasang binabanggit.

Sa sariling mga libro, pinakamadaling makita ang ganitong katangian sa mismong presentasyon nito. Sa totoo lang, naglalaro ang mga librong Kaastigan at A-Side/B-Side sa iba’t ibang genre bukod sa simpleng reportage o memoir—naghahalo sa mga piyesang nakabase sa aktuwal na pangyayari ang ilang mga ehersisyong gumagamit ng mga disenyo at taktika mula sa tula, maikling kuwento, pelikula, at iba pa. Masuwerte ako’t hinahayaan ako ng aking publisher sa ganitong paglalaro ng anyo para magtawid ng mga nais kong sabihin. Ikinuwento ko ang isang barkada swimming trip gamit ang isang MTV-script type na pagkukuwento, na may eksaheradong paggaya sa mga tipikal na eksena sa isang youth-oriented show; bumuo ako ng isang personang pinangalanan kong Ligaya Nazareno na siyang kumatawan sa mga masaya-malungkot na kuwento naming magkakaibigan sa UP; naipasok ko ang maraming kanta ng Eraserheads sa halos lahat ng pagkakataon, kasabay ng mga inaasahan nang paglalaro sa perspektiba, linearity, tono, at lahat-lahat na. May pagdidiin sa pagpapakinis at paglalaro sa presentasyon, dahil kinikilala na ang mga libro’y iyon nga—isang presentasyon/pagtatanghal. Bukod sa anumang nilalaman, prayoridad ang paghatak ng atensyon, at ang pagpapanatili nito. Naaalala ko ang nabasa ko tungkol sa prinsipyo ng pagbuo ng video games. Sabi ng tagapagsaliksik doon sa artikulong iyon, lubos siyang nagtataka dahil kaiba sa pagtuturo at pagsusulat ng karamihan ng tinatawag nating “panitikan,” ang gumagawa ng mga laro ay may matinding pagkiling sa pagbibigay ng aliw sa kanyang mga manlalaro. Malay at sensitibo ang game developers sa kanilang audience, dahil kung hindi sila magiging sensitibo rito’y walang tatangkilik sa kanila. At dahil nga itinuturo ng Aca-Fan attitude ang halaga ng kritisismo, inilalapat ko ang ganitong pangangailangan sa aliw nang may malay na tindig din tungkol sa posibleng kapahamakan ng pagsunod palagi sa layaw ng tagatanggap ng teksto. Sa maraming pagkakataon, lumilitaw ito sa mga piyesa sa pamamagitan ng pagkilala sa presensya ng tagabasa, at sa pagtawag sa kanilang atensyon sa ilang mga reyalidad ng teksto—na ito ay mediated kaya palaging may bahid ng artipisyalidad, na ito’y market-driven at nakadisenyo para kumita, na may pagtatangka itong mang-aliw pero ang konsepto ng “aliw” ay maaaring pumunta sa direksyon ng pagpapababaw o pagpapabobo, na ang anumang taktika ng pamamahayag ay eksperimento sa pagtatawid ng mensahe at anuman ang maging reaksyon ng mga mambabasa’y makatutulong sa paghulma at pagpapakinis ng mga susunod pang eksperimento.

Sa librong UP-UP-DOWN-DOWN…tinatangka kong magpasok ng mga sulating may kinalaman sa interactivity. Nais ko sanang mabuo ang isang koleksyon ng mga piyesang ipapasok sa kategorya ng CNF at magtatampok ng iba’t ibang mga laro na pwedeng isagawa mismo ng tagabasa. Isa sa mga tinatangka ng koleksyon sa usapin ng anyo ay ang pagpansin sa pang-akit ng mga tekstong nagbibigay sa mga tagabasa ng kontrol para bagu-baguhin ito ayon sa kanilang gusto. Sa ngayon, hindi pa ganoon kakapal ang mga sulating nasa ganitong direksyon, sana’y maka-develop ako ng mga bagong eksperimento sa anyo sa susunod na mga buwan.

Sa nilalaman naman, may mga piling punto akong pinipilit na matumbok sa bawat proyekto:1. Makapagsulat ng piyesa na umuusisa sa mismong sining ng pagsusulat (na bahagyang natutugunan na ng mga eksperimento sa anyo); 2. Magsulat sa mga partikular na taong nais kong pag-alayan; 3. Makapagsulat ng mga piyesang may hayagang pagpuna sa mga sitwasyong panlipunan (Gloria Macapagal Arroyo, Charter Change, Calibrated Preemptive Response, Enforced Disappearances, at iba pa). Anuman ang paraan ng pahayag, saan man sumikot-sikot ang aking pagsasalaysay ng sariling buhay at ng buhay ng iba, basta natutugunan ko ang tatlong tuhog na ito, iniisip kong buo na ang libro, na maaari na itong ilimbag. Palaging subjective ang pagsusulat, at halos palaging ibinabalik sa sarili. Tinutulungan ako ng tatlong bantay na ito para hind imaging madamot sa pagkatha.

Kung papipiliin ako sa A-Side/B-Side at Kaastigan, masasabi kong mas malinaw ang pagtugon ng una sa tatlong puntong isinet ko sa sarili. Sa Kaastigan kasi, naroon siya pero halo-halo ang estilo, halos may pagkasabog, dahil sa kinailangang ipakita ko sa publisher—at sa huli’y sa mga tagabasa—ang posibleng range ng paglalaro sa anyo at nilalaman. Noong nagkaroon ng pagkakataon para sa bagong libro, nagkaroon din ako ng pagkakataon para maging mas tahimik, mas focused, kaya sa palagay ko’y mas solid ang pagkakatuhog. Habang nakabudbod sa anyo ang walang kamatayang pagbabalik-tanaw sa nawalang kabataan, ang pagkapanalo ng Artist of the Year ng Wolfgang sa NU 107 Rock Awards, at pagpapatugtog ng mga kanta para sa mga taong hindi naman nakikinig, ala-Nick and Norah’s Infinite Playlist.

Gusto kong ituloy ito sa UP-UP-DOWN-DOWN. Gusto ko pa ngang i-level up. Magsisimula ang libro sa tanong na “napaglalaruan ba talaga ang puso?” At sana, sana’y mapaglaruan ko nang mahusay ang tanong na ito:puso ng isang torpeng heterosexual na lalaki ba o gagawin kong bakla/lesbiyana? Puso ba ng tatay na napagtapos ng pag-aaral ang siyam na anak, o puso na pinataba ng tsokolate at Coke? Puso ni Palparan, Ampatuan, Arroyo, o puso ng mga kamag-anak ng desaparecidos? Kay daming maaaring puntahan, at excited na akong pag-eksperimentuhan ito.

Isang pagkakasal ang Aca-Fan attitude, pagkakasal sa utak ng batang pinalaki/binuro sa Saturday Morning Cartoons, Cheezels at Chikadees, Aratiles Hunting, FLAMES, at ngayon ay pirated DVD’s at Facebooking Fatale, patungo sa kritikal na kahingian ng pagkakataong makapag-aral at makapagtapos ng napakaraming taon ng institutionalized schooling. Napapahalagahan ng ganitong attitude ang halaga ng konteksto-interteksto, at sa tingin ko’y talaga namang nakatutulong sa pagluwal ng mga akda na relevant sa kung sino ang reading audience sa ngayon. Kinikilala nito ang dinamismo ng lipunan, at ang lubos na kalabisan at kabilisan nito na nakaaapekto rin sa interes at reaksyon ng mga may perang pambili ng libro. Pinupukpok ako ng ganitong sensibilidad para maging hindi tamad, maging mapagsaliksik, mapagbigay, at mas matapat. Sana’y maibahagi ko pa ang ganitong klase ng pagtingin sa mga tagabasa’t kasamang manunulat sa mga susunod pang taon.

Add a Comment